Kumusta Kadiliman - Spoken Word

3 views

Lyrics

Binalikan ko ang mga lugar na dati nating pinupuntahan
 Ang aklatan
 Ang sinehan
 Ang damuhan
 Ang mahal nating paaralan
 Sa isang hagdan
 Hinanap ko ang baitang na dati kong sinulatan ng ating pangalan
 Wala na siya ngayon
 Nabura na ng mga paa
 Ang tinta na pruweba na minsan din tayong umistambay ro'n
 Bago na ang pintura ng mga dingding
 Ang mga kahoy na pinto, ngayo'y gawa na sa salamin
 May mga bagong tayong gusali
 Pinalit sa mga nasunog at giniba
 Naalala mo pa ba ang sinasabi mo noon?
 Walang iniiwan ang panahon
 Walang inaabandona ang oras
 Bitbit niya tayo sa kanyang mga kamay
 Sumusulong ang lahat
 Gustuhin man natin o hindi
 At ang nakaraan ay nanatiling nandiyan
 Dahil lagi tayong nakalingon
 Pwes, gusto kong mangawit ang iyong leeg
 Gusto kong masdan mo ang lahat ng ito
 Pero hindi, hindi pagsisi ang naririnig mo sa'king mga salita
 Pero totoong hinahatak kita pabalik sa aking gunita
 Misteryosong alaala
 Hinahanap minsan ng isa ang matagal nang itanapon ng iba
 Magdadahilan ako't sasabihing baka kasi may nawaglit akong detalye
 Sa tingin ko'y may nabitiwan akong leksyon
 At ayokong pakawalan ang kahapon
 Kung ang ibig sabihin ay lilimutin ko kung sino ako noon
 Paano ba kasi nangyari
 Na noong mas mahina pa tayo ay saka pa tayo mas matapang?
 Paanong mas ninamnam pa natin ang panonood sa mga paang papalayo
 Kung mas mabigat pa noon ang mga paalam?
 Paanong wala tayong pakialam
 Kung maputikan ang mga sapatos kung tutungo tayo sa minamahal?
 Paanong samantalang ngayon
 Kung may nagbabadyang ulan ay ni ayaw nating lisanin ang ating mga tahanan?
 Matatawag mo pa ba itong tahanan?
 Ilang pahid ng pintura?
 Ilang pintong napalitan?
 Ilang damuhang naging sementadong daan?
 Ilang bagong gusali ang kailangan niyang pagdaanan
 Bago mo masabing hindi na ito ang kanlungang kinamulatan?
 At anong lakas ng loob nating hingin sa kanya na h'wag magbago
 Gayong ilang beses na tayong nag-iwan ng lumang balat sa kanyang aspalto?
 At kailan ka pa pinaliit ng pagmamahal?
 Kailan mo isinauli ang libro?
 Lukot ang pabalat
 Pilas ang ilang pahina
 Walang bulaklak na nakaipit
 Sa paborito niyang tula
 

Audio Features

Song Details

Duration
03:03
Key
9
Tempo
58 BPM

Share

More Songs by Juan Miguel Severo

Similar Songs