Balkonahe

3 views

Lyrics

Kumusta ka?
 Siguro, ilang gabi ka nang
 hindi makatulog nang maayos
 Dahil sa pansamantalang
 paghinto ng mundo
 Siguro, nababagabag ang loob
 para sa kaligtasan ng sarili at pamilya mo
 Kumusta ka?
 Iniisip mo pa rin ba
 ang mga salu-salong hindi mo nadaluhan
 Dahil sa banta ng kapahamakan
 Kumusta ka?
 Ilang araw ka na bang
 nakatutok lang sa cellphone at computer
 Inuubos ang oras sa trabaho
 o di kaya'y sa pelikula o sa pagbabasa
 Kumusta ka?
 Hangad ko ang 'yong kapanatagan
 Huwag kang mag-alala
 Dahil pasasaan ba't mararamdamn muli
 ng ating mga talampakan
 ang init ng aspalto sa lansangan
 Maririndi sa tawa ng katabi
 Matutunghayan muli ang pangungumbinsi
 ng barker ng jeep na kasya pa'ng isa!
 Matitikman muli natin kwekwek,
 fishball at taho na sa kanto'y itinitinda
 Babatiin ka muli ng "Magandang umaga!"
 ng mga gwardiya sa opisina
 Mapupuno muli ng tao
 ang paborito mong restawran
 Malalasahan muli natin ang pag-asa
 Mararamdaman ang dagundong
 ng mga pangarap na itinanim
 sa gitna ng ingay ng lungsod
 At pagkatapos,
 Pasasaan ba't maaari na rin muli
 nating suyurin ang lagaslas ng tubig sa ilog
 Ang kakatwang pagkampay
 ng mga dahon sa sanga ng puno
 Ang paghalik ng alon sa dalampasigan
 Ang pagsipol ng hangin sa kabundukan
 Pasasaan ba't magbubukas muli ang mundo
 upang ito'y lalo pang mahalin mo
 Matatapos din ang lahat
 Sa ngayon, hagkan muna natin
 ang payapang hatid ng pagkakakulong
 Ang hinahon
 Ang walang pagmamadaling pagbangon
 Habang inaalok ng pag-asa
 ang mga hindi pa kaya
 Bigyang-pansin ang kwento
 sa bawat sulok ng tahanang
 araw-araw mong iniiwan
 Sa ngayon,
 ngiti at pangungumusta muna
 ang magsisilbing yakap sa isa't isa
 Hangga't kailangan pa ng distansya
 hatiran muna natin ng ngiti ang bawat isa
 Ang mga kasama sa bahay,
 mga bantay sa checkpoint,
 cashier sa grocery, delivery boy,
 mga nars at doktor,
 maging ang mga kaibigan
 at katrabahong sa internet lang nakikita
 Hatian muna ng naipon nating
 liwanag ang isa't isa
 Hindi man nito kayang pawiin ng tuluyan
 Ang gutom ng kanya-kanya nating kaluluwa,
 Kapag pinagpasa-pasa'y
 baka maging tapik sa balikat na nagsasabing,
 "Magiging maayos din ang lahat."
 Mabuti nang may tinatanaw
 na liwanag habang lumalaban
 Dahil pasasan ba't darating ang araw
 na babangon ka't magtitimpla ng kape,
 Papanhik sa balkonahe
 kukuyakoy sandali
 Mamasdan ang pag-usbong ng umaga
 Mapapabuntong-hininga
 Dahil sa wakas, maayos na ulit ang lahat

Audio Features

Song Details

Duration
03:23
Key
7
Tempo
110 BPM

Share

More Songs by Mai Cantillano

Similar Songs