Kapag Nakita Mo na Siya
3
views
Lyrics
Kapag nakita mo na siya, Huwag kang magtaka kung hindi ka agad niya makilala Kung ano 'yong naramdaman mong kilig, baka iyon naman ang naramdaman niyang inis Kung paano mo siya titigan, baka gano'n ka lang din niya lagpasan, balewalain at hindi pansinin Kung gaano kabilis 'yung tibok ng puso mo noong nakita mo siya, Baka gano'n din kabilis ang pag-alis niya At sigurado ako, itataboy ka niya palayo Kapag nangyari 'yon, Huwag mo sanang isiping wala nang pag-asa Siguro sanay na lang din talaga siyang mag-isa At sa hinaba-haba ng panahon ng pag-iisa niya, Iniisip niyang hindi na niya kailangan ng iba Ng isang katulad mo na maaaring magdala sa kanya sa ibang mundo Marahil, ganyan ang turo sa kanya ng buhay at pag-ibig Ang damhin ang lahat ng sakit Ang tanggapin kung anumang ibato ng buhay Ang palayain lahat ng emosyon hanggang sa wala na muli siyang maramdaman pa Kaya't kapag nakita mo na siya, Hindi na siya naniniwala sa paghiling sa mga bulalakaw Hindi na siya namamangha sa mahika ng buwan at mga bituin O ng kung anumang pwersa sa uniberso Na maaaring magtulak sa kanya patungo sa'yo Hindi na siya naniniwala sa anumang salitang nilikha ng pag-ibig Hindi na siya naniniwala sa pag-ibig Kapag nakita mo na siya, Baka ang tanging papel na lamang ng puso niya ay ang panatilihin siyang buhay Baka tumitibok na lamang ito upang padaluyin ang dugo sa katawan niya Dahil kapag nakita mo na siya, Nakalimutan na niya ang pakiramdam ng magmahal at ng mahalin, ng arugain at yakapin Pero huwag kang mag-alala Dahil mukha lang naman ng pag-ibig ang nakalimutan niya At ipaalala mo ito sa kanya Huwag kang magsasawang ipaalala sa kanya kung gaano siya kaganda Huwag kang mapapagod sabihin sa kanyang mahal mo siya Kahit na sa bawat pagbanggit mo ng mga salitang "Mahal kita" Ay pait at sakit ang naaalala niya, Huwag kang titigil na sabihin ito sa kanya hanggang sa maalala niya Na sa likod ng bawat pait ay may tamis Sa likod ng bawat sakit ay may ligayang dulot ang mga salitang "Mahal kita" At kung saktan ka man ng mga salita niya, Gantihan mo ito ng yakap Kung magpumiglas siya, hatakin mo siya pabalik at yakapin ulit Kung paulit-ulit siyang umalis Paulit-ulit mo rin siyang habulin Kung paulit-ulit siyang bumitaw, Paulit-ulit mo rin siyang hawakan Pakiusap, huwag na huwag mo siyang bibitawan Ipaalala mo sa kanya na minsan rin siyang humiling sa mga bulalakaw Na minsan rin siyang namangha sa mahika ng buwan at mga bituin Na minsan rin siyang naniwala sa mga salitang nilikha ng pag-ibig Na minsan rin siyang naniwala sa pag-ibig Pakiusap, huwag na huwag mo siyang pakakawalan Huwag na huwag mo siyang susukuan Hanggang sa maisip niya, na ang pag-iisa ay mayroon ding hangganan
Audio Features
Song Details
- Duration
- 03:43
- Key
- 1
- Tempo
- 127 BPM