Tahanan

2 views

Lyrics

Makailang ulit nang
 nagbalat-kayo ang pag-ibig
 Makailang ulit na rin ako nitong
 nilinlang at tinalikuran
 Inakalang ang yakap nito
 ang aking magiging tahanan
 Naubos ang tiwala
 Naubos ako
 Napagod at inakalang
 wala nang tunay na pag-ibig na darating pa
 Ngunit heto, dumating ka
 Sa pinaka-hindi inaasahang pagkakataon
 Nandito ka
 Pareho tayong takot
 Ngunit hindi rin maikaila ang kislap
 sa pagtatama ang ating mga mata
 Kaya't ngayon, pagbigyan natin ang bawat salita
 Na matagal nang hindi mabitawan
 Dahil sa takot at pangamba
 Bigyang laya ang mga paang umindak
 sa saliw ng iisang awit
 Hayaang marindi ang mga tainga
 sa kaluskos ng nag-uumpugan nating mga puso
 Hanggang sa magliyab ang mga ito
 nang walang humpay
 Pag-alabin natin ang bawat sandali
 At pagliwanagin ang tagpuang
 minsang pinagkaitan ng ningning ng mga tala
 Subukin natin ang kapagyarihan ng pag-ibig
 Nang walang hinihinging kapalit
 Ngayon
 Dito
 Kasama ang mga binuong pangarap at pangako
 Dalhin natin sa katotohanan ang dati'y panaginip lang
 Na nababasa sa mga nobela
 At napapanood sa mga pelikula
 Ngayon
 Dito
 Dahil hindi ko na kaya pang hintayin ang bukas
 Para simulan ang walang hanggan
 Kasama ka
 Ngunit alam ko,
 sa kabila ng lahat ng 'to
 Darating ang panahon,
 pareho tayong mapapaso
 Sa sariling apoy na nilikha ng ating mga puso
 Pareho tayong malalapnos,
 masusugatan, masasaktan
 Sa pagkakataong 'yon,
 sabay nating balikan ang simula ng pag-ibig na ito
 Ipaalala sa isa't isa ang dahilan ng pag-aalab
 Na ito'y hindi upang magkasakitan
 Ngunit upang panatilihin ang init at liwanag
 Huwag tayong mapapagod
 balikan ang dahilan ng lahat
 Ng ipinangakong pag-ibig na wagas
 Hindi lang isa, dalawa o tatlong beses nating
 dapat alalahanin ang simula
 Dahil maaaring higit pa
 sa dami ng mga tala sa langit
 Ang mga pagkakataong
 susubukin tayo ng sitwasyon
 Hindi natin alam kung ilang bato ng problema
 ang ipupukol sa atin ng mundo
 Marahil ay tatangkain din ng tubig at hangin
 na patayin ang nagliliyab nating damdamin
 Marami pang elemento
 ang magpapahina sa higpit ng ating kapit
 Sa mga pangarap at pangakong
 ating nilikha upang tuparin
 Darating ang bagyo, ang unos
 Na magpupumilit humalik
 sa ating pag-ibig
 Siguradong may manghihina
 May mapapagod
 At kakatok ang pagsuko
 Ngunit manatili tayong buo
 Manatili tayong nakatitig
 sa mata ng isa't isa
 Alalahanin ang kislap
 ng unang pagkikita
 Sa panghihina ng isa,
 ang isa'y maging lakas
 Sa pagkapagod ng isa,
 ang isa'y maging pahinga
 Sa pagsuko ng isa,
 ang isa'y maging pag-asa
 Hindi magiging madali
 Ngunit hindi rin biro ang kapalit
 Dahil sa dulo ng lahat ng ito,
 Sabay pa rin tayong uuwi
 sa ating mga tahanan
 Ikaw, sa akin
 At ako, sa iyo

Audio Features

Song Details

Duration
04:06
Key
2
Tempo
109 BPM

Share

More Songs by Mai Cantillano

Similar Songs